Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
“Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
Pagninilay
Masama ba ang maging matalino? Ito ba ang nais sabihin ni Jesus sa Ebanghelyo nang sabihin niya sa kanyang panalangin na siya ay nagpapasalamat sapagkat inilihim ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga matatalino?
Hindi masamang maging matalino. Ang masama ay magmarunong tayo, na umaabot sa punto na maging ang Diyos ay gusto na nating higitan. Sa kasamaang palad, habang umaangat ang kaalaman ng tao, para bang mas lumalayo naman ang tao sa Diyos. Habang natutuklasan ng tao ang maraming bagay sa paligid, para namang mas nakakalimot ang tao sa Diyos.
Sa mga nangyayari sa ating paligid ngayon at sa dami ng mga problema, simple lang naman ang sinasabi sa ating Ebanghelyo. Maging katulad muli ang ating kalooban tulad ng sa isang bata. Ang isang bata, habang tinutuklas at inaalam ang mga bagay na hindi niya nauunawaan, ay patuloy na nagtatanong sa kanyang ama. Patuloy siyang nagtitiwala sa kanyang ama. Ito ang mas ikinatutuwa ng Diyos. Nawa sa patuloy nating pag-angat sa buhay, patuloy rin tayong umasa sa Karunungan ng Diyos, na siya ring pinagmumulan nang ating kaalaman at karunungan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022