Ebanghelyo: Mateo 11:20-24
At sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay
Ang pagiging isang tapat na lingkod ng Diyos ay hindi lamang nasusukat sa taimtim na pananalangin. Si San Enrico ay isang halimbawa ng tapat na lingkod. Siya ay naging isang Emperador ng Alemanya noong 1002 Sa kaniyang pamumuno, ipinakita niya ang kaniyang katapatan kay Papa Benito VIII. Dahil dito, nakita ng marami ang kahalagahan ng pananampalataya sa pamumuno. Si San Enrico rin ay nagbahagi ng kaniyang sariling ari-arian sa mga monasteryo at simbahan na nagbigay daan sa pagpapatibay ng bokasyon at pananampalataya ng mga tao. Sa ating buhay mananampalataya, tayo rin ba ay kinakikitaan ng pagiging isang lider sa ating karaniwang buhay? Ang atin bang pamumuno ay may pagbibigay ng sarili sa kapwa at katapatan sa Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021