Ebanghelyo: Mt 10: 16-23
Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong- gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigaypatotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas. Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.
Pagninilay
Pinaalahanan ni Jesus ang kanyang mga alagad na sadyang bahagi ng kanilang buhay ang mga panahon ng pag-uusig at mga pagsubok. Binibigyan tayo ng pagkakataon ng tanggapin ang mga ito ng may malakas na pananalig sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. Nang sa gayon, malikha sa atin ang isang pusong dalisay at isang espiritung bago at matuwid na naninindigan para sa Diyos at sa Kanyang Kaharian. Kung titingnan ng mas malalim, ganito rin ang mensahe ng unang pagbasa hango kay propeta Oseas. Ang kasalanan at pagkakamali ay maaring tingnan na isang napakagandang pagkakataon upang ayusin ang ating relasyon sa Diyos at sundin ang Kanyang utos at kalooban. Ang Diyos ay naghihintay na ang tao ay manumbalik sa Kanya, baguhin ang loob, at mahalin Siya ng higit sa lahat.
© Copyright Pang Araw-araw 2024