Ebanghelyo: Mateo 11:20-24
At sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, narinig natin ang panunumbat na may kahalong panghihinayang ni Jesus sa mga taong nakatira sa bayan ng Corazin, Betsaida at Capernaum. Mga bayan na maituturing na masuwerte dahil dito nakagawa nang maraming himala si Jesus. Subalit ang mga tao’y sadyang mas piniling mamuhay sa kasalanan kaysa ang magbagongbuhay. Patuloy nilang hindi kinilala si Jesus, na pagtanggi rin sa mga biyayang posible pang ibigay ng Diyos.
Kung haharap ba tayo ngayon sa Diyos, susumbatan din ba niya tayo o matutuwa siya sa atin? Ang mga natatanggap ba nating mga biyaya ay naipagpapasalamat natin sa Diyos at nagiging daan para mas kilalanin at tanggapin natin Siya sa buhay natin? Nawa’y maipakita natin ang “appreciation” natin sa kung anong mayroon tayo ngayon. Sa trabaho natin ngayon? Paano na lang kung sa iba ito ibinigay? Marami ang naghihirap dahil sa sakit. Ang iba ay nangangailangan ng organ transplant. Tayo ba na malusog, pinangangalagaan ba natin ang ating mga katawan? O baka nalululong tayo sa mga bisyo gaya ng droga at alak at mas mainam pang ibinigay na lang ang magandang kalusugan natin sa mga may sakit? Pagnilayan ang mga biyayang ating natanggap at patuloy na natatanggap. Karapat-dapat ba tayo sa lahat nang ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022