Ebanghelyo: Mateo 10:34 – 11:1
Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito.
Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”
Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay
Kapag tayo ay nagkakasugat, nilalagyan natin ito ng band aid. Ngunit ang pinakamabisang paraan upang ito ay maghilom ay kung ito ay ating lalagyan muna ng disinfectant upang malinis at saka natin tatapalan. Ganoon din minsan ang ating emosyonal at espiritwal na estado. Kapag tayo ay nasusugatan, ang kadalasang kasagutan ay mga pansalamantalang bagay: gadgets, bisyo, out-of-town trips at iba pang mga bagay na nagbibigay sa atin ng pansamantalang kaligayahan. Wala namang masama sa mga ito ngunit ito ay mga band aid lamang sa ating personal na paghilom. Ito ay maaring pansamantalang kasagutan. Panghawakan ang tunay na nagbibigay buhay sa atin at sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021