Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Sa wikang Griego ang salitang “phobeo” ang ginamit bilang tawag sa salitang “takot”. Dito nanggaling ang salitang phobia, na nangangahulugang isang irrational fear. Ang ganitong phobia ay nagkakaroon ng hindi magandang epekto at humahadlang sa buhay ng tao. Pero mabuti din naman na may takot ang tao, at yun ay tinatawag na healthy fear. Ang healthy fear ay nakakatulong sa atin para makaraos at maging prudent. Ngunit ang tinutukoy ni Jesus ay isang mas magandang katangian: ito ay ang banal na pagkatakot, o fear of God. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihan sa kaluluwa ng tao. “Phobeo” ibig sabihin “fear”, pero ang ibig ding sabihin ay “respeto” o “veneration”. Ang may takot o respeto sa Diyos ay ang taong magiging masunurin sa Kanya dahil alam niya na Siya ang bukal ng buhay: Siya din ang Pastol, ang Hukom, ang Gabay, ang Pag-ibig. Kaya nawa ay sambahin natin ang ating Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020