Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.
Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipa-hayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.
Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.
Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Ang tiwala ng isang bata sa kanyang magulang ay hindi matatawaran. Kapag sinabi mo sa bata na gawin ang isang bagay, gagawin niya ito sapagkat siya ay nagtitiwalang hindi mo siya ipapahamak. Ngunit habang tayo ay tumatanda, nagiging mulat tayo na hindi sa lahat ng pagkakataon, tayo ay dapat magtiwala. Marahil ang ating mga karanasan ng sakit, betrayal at abandonment ay nagtulak sa atin na maging mapanuri sa mga taong ating pagkakatiwalaan. Ang nagiging resulta rin nito ay ang labis na pag-aalala. Ngayon ay pinapaalalahanan tayo na ipanumbalik ang tiwala sa Diyos kagaya ng pagtitiwala ng isang bata sa kanyang magulang. Ang salitang fear not o “huwag kang matakot” ay nabanggit ng 365 na ulit sa Bibliya. Maging paalala nawa ito sa ating lahat na sa kadilimang dulot ng pangamba, nandiyan ang Diyos ng liwanag!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021