Ebanghelyo: Mateo 10:16-23
Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Mag- ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo‘y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas. Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.
Pagninilay
Minsan habang naglalakbay si Santa Teresa de Avila sa bukid habang nakasakay sa isang kalesa, biglang nabangga ng isang gulong ang malaking bato at nahulog ang santa sa putikan. Taglamig pa naman noon. Ang santa ay tumingala sa langit at kanyang sinabi: “Panginoon, bakit ginaganyan mo ang mga kaibigan mo!? kaya pala pakonti ng pakonti na sila!” Hindi madali ang maging tagasunod ni Jesus noon at hanggang sa ngayon. Hindi naman sinabi ni Jesus na ang misyon natin ay magiging madali lamang, simula pa lang noong day one sinabi niya agad na marami ang magiging hadlang sa misyon na kanyang binigay. Dahil sa kanya tayo’y naglilingkod sa Simbahan at dahil sa kanya ay may mga panahon na kinamumuhian tayo. Minsan ito ay gawa ng inggit o ng masamang ugali ng tao, tayo ay ipinahihiya, hindi tayo pinapansin o hindi nirerespeto. Sinabi ni Jesus na ang mananatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. Hindi madali ang pagiging isang kristiyano, ngunit hindi din ito imposible dahil kasama natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020