Ebanghelyo: Mateo 10:16-23
Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Magingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.
Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas.
Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.
Pagninilay
Bakit nga ba tayo’y tila mga ‘tupa na isinusugo sa gitna ng mga asong-gubat’? Minsan ay mapapatanong tayo dahil kung totoong kinakalinga tayo ng Diyos, bakit niya tayo hahayaang mapahamak? Alam ng Diyos na tayo ay nabubuhay sa mundong puno ng sakit. Ito ang realidad ng ating buhay. Si Jesus ay naging totoo sa mga alagad dahil alam Niyang hindi magiging madali ang ating buhay mananampalataya. Ngunit kagaya ng isang pastol sa kaniyang mga tupa, hindi tayo maliligaw kung tayo ay nanatili sa Kanya. Baunin natin ang titik mula sa awit ng Hangad, “Wala akong hangaring ika’y mag-isa. Sa’n man magtungo ako’y sasabay. Magkabalikat sa paglalakbay.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021