Ebanghelyo: Mateo 9:32-38
Nang makaalis na ang mga ito, may nagdala naman kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.”
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
Pagninilay
Noong January 12, 2020, nagulantang ang lahat sa pagputok ng Bulkang Taal. Ang lahat ng mga karatig-lugar ay nagmistulang ghost town sapagkat ang mga tao ay napilitang lumikas at ang paligid ay punong-puno ng abo. Makalipas ang dalawang araw, may mga lumitaw na litrato sa social media na may isang sibol ng puno ng saging ang tumubo mula sa mga tipak ng abo. Tunay nga na kapag ang isang bagay ay nagbibigay-buhay, kaya nitong lumago sa kahit anong sitwasyon. Si Jesus ay nagpatuloy sa kanyang ministeryo sa kabila ng kritisismo. Tayo rin ba ay patuloy na gumagawa ng mabuti sa kabila ng puna at kritisismo? Suriin natin ang ating kalooban. Sapagkat ang ating intensyong mabuti para sa kapwa ay patuloy na pagpapalain ng Diyos anuman ang mangyari.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021