Ebanghelyo: Mateo 9:18-26
Habang nagsasalita si Jesus sa kanila, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika at ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Pagninilay
Ang kamatayan ng dalagita at ang sakit ng babae ay naging daan para maranasan nila hindi lamang ang pag-galing ng kanilang katawan, kundi ng kaligtasan ng kanilang kaluluwa. Ang pangulo ng sinagoga ay lumapit kay Jesus, lumuhod at nagsumamo habang ang isang babae naman ay lumapit din at hinawakan ang kanyang damit. Nakita ni Jesus sa dalawang tao ang pananalig kaya nagkaroon ng pagpapagaling. Ito rin ay naging isang pagkakataon upang makita nila ang kapangyarihan ni Jesus at sila ay sumampalataya. Kapag nagkasakit ulit sila pagkaraan ng mga panahon, magiging isang paalala ang salubong kay Jesus noong araw na iyon at ito ay mananatiling gabay at magpapalakas sa kanilang pananampalataya. Huwag po natin sana basta kalimutan ang ginawa ng Diyos para sa atin; ang paalala ng mga “himalang ginawa ng Diyos sa atin” ay magpalakas sana palagi ng ating mahinang pananalig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020