Ebanghelyo: Mateo 8:28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking ina alihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Na paka bangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di-kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy pa puntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga ba boy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubu ngin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, kahit ang demonyo ay nakakakilala at may takot kay Jesus. Nakiusap sila na ipadala sila grupo ng mga baboy. Pero bakit nakiusap din ang mga tao kay Jesus na umalis Siya sa yaong lugar? Hindi ba sila nagagalak sa pagpapalaya ni Jesus sa mga sinasaniban? Sila ay natatakot na maapektuhan ang kanilang nakagawiang pamumuhay sa kasamaan. Maihahalintulad ito sa iba pang larawan ng kasamaan sa mundo na mas pinipili ng mga tao ang pagkabulag o pag mamaang-maangan sa mga sistema ng kurapsyon at pan lilinlang dahil marami ang nakikinabang dito. Kaya ang ating layunin bilang mga Kristyano ay nakokompromiso dahil sa pangambang harapin ang ganitong mga sistema na nagpapahirap sa pangkaraniwang mamamayan, lalo na sa mga dukha. Manalig tayo sa kapangyarihan ng Diyos upang labanan ang mga gawa ng demonyo at masagip ang ating lipunang binibihag nito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023