Ebanghelyo: Mateo 9:14-17
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo‘y pareho silang tatagal.”
Pagninilay
Mahalaga sa iba’t ibang relihiyon ang pag-aayuno bilang paglilinis. Sa tradisyon ng ating Simbahan mahalaga na gawin ito bilang isang penitensiya, pagbabago at upang matulungan din ang mga tao sa buhay panalangin. Nagtataka ang mga tao kung bakit hindi nila nakikita na nag-aayuno sina Jesus at ang kanyang mga alagad. Panahon noon para sa mga alagad na sulitin ang kasiyahan dahil kasama nila si Jesus. Ngunit sinabi naman ni Jesus na mag-aayuno sila sa takdang panahon. Mahalaga rin dapat sa atin ang pag-aayuno at paggawa ng mga sakripisyo para sa Panginoon at para sa ating kapwa. Sa ating araw araw na pamumuhay ay may mga pagkakataon tayo upang gawin ang mga munting sakripisyo o penitensiya na makakatulong sa ating panalangin. “Panginoon, iaalay ko sayo ang pagbababa ng aking pride… hindi ko sisirain ang aking kapwa…. hindi ko muna ipagtatanggol ang aking sarili… hihingi ako ng sorry sa taong nagtampo sa akin…” Ang layunin ng pag-aayuno, pagsasakripisyo at mga penitensiya ay upang makatulong sa atin na magdasal at angkinin ang mga magagandang katangian nito. Sa iyong palagay, ano kaya ang mga espiritual na pagaalay na pwede mong itaas sa Diyos ngayon?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020