Ebanghelyo: Juan 20:24-29
Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hindinghindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay
Hindi agad naunawaan at pinaniwalaan ng mga alagad ang tungkol sa kalikasan at misyon ni Jesus. Ngunit, unti-unting umuunlad ang kanilang pagkaunawa at ang paglalim ng kanilang pananalig. Si Tomas ay hindi agad naniwala na muling nabuhay si Jesus kaya nagpakita ang Panginoon sa kanya upang siya’y maniwala. Ito rin ang pagkakataon upang maipakita ng alagad ang kanyang pagbabago: “Panginoon ko at Diyos ko – Ikaw!” ang nasabi niya na puno ng galak. Pinuri ni Jesus ang mga naniniwala sa kanya kahit hindi niya sila nakikita. Tayo ang pinuri ni Jesus noon. Ang pananampalataya ay isang biyaya galing sa Diyos na maaari nating tanggapin kung bukas ang ating puso’t isipan. Huwag na natin hintayin na maunawaan ng utak ang bawat hiwaga ng ating pananampalataya dahil sa tradisyon ng simbahang itinuturo sa atin ng mgaskolar: credo ut intellectas, na ang ibig sabihin ay: maniwala muna para maunawaan. Panginoon, dagdagan ninyo po ang aming pananalig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020