Ebanghelyo: Mateo 9:1-8
Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,” Noo‘y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan‘ o ‘Tumayo ka at lumakad‘? Dapat n‘yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Pagninilay
Pinapagaling ni Jesus ang mga may sakit at ang mga inaalihan ng demonyo, ito ay dahil sa puno ng habag ang kanyang puso at para sa pagbabagong-buhay ng kanyang pinagaling. Pinapagaling din ni Jesus ang mga maysakit upang sumampalataya ang mga sumasaksi sa kanyang himala at lumago sa kanilang piling ang kaharian ng Diyos. Ganyan din sana ang dahilan ng ating pagtulong sa ating kapwa at ang kawang-gawa ng Simbahan. Unang una, subukan nating mahalin at kaawaan ang mga taong ating tinutulungan, iwasan natin ang pagtulong sa kapwa para lamang tayo’y purihin. Pangalawa, sa pamamagitan ng kawang-gawa ay lumago din sana ang kaharian ng ating Panginoon. Ang mga may kaugnayan sa mga charity projects ay nawa’y lalong sumampalataya sa pagibig ng Diyos. Dapat nating isa-isip at isapuso na tayo ay mga instrumento sa kamay ng Poong Maykapal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020