Ebanghelyo: Mateo 8:28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di-kalayua‘y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo‘y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay
Ramdam ng dalawang lalaking inaalihan ng mga demonyo na malayo sila sa Diyos at malayo rin sila sa kapwa. Wala silang bahagi sa buhay ng bayan dahil sa kanilang kalagayan. Kahit iniiwasan sila ng mga tao ay nilapitan pa rin sila ni Jesus, at sa tingin ng ating Panginoon, hindi sila dapat layuan kundi dapat pansinin, pakinggan at pagalingin. Pagkatapos ng kanilang salubong kay Jesus na nakakapag-pagaling, ang dalawang lalaki mismo ang nagbigay- saksi tungkol sa kapangyarihan ng ating Panginoon. Nakakalungkot basahin na pinaalis ng mga tao si Jesus sa kanilang lugar dahil lang sa nakaka-apekto ito sa kanilang hanap buhay. Mas mahalaga pa sa kanila ang mga tinda nilang baboy kaysa samahan nila ang ating Panginoon. Nilalapitan ba natin ang mga taong pangit ang ugali, o kaya ay sinusubukan natin na i-reach-out sila? Sa ating hanap-buhay naman, isinasama ba natin ang mga pagtuturo ni Jesus, o ayaw din natin na makialam Siya sa ating business?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020