October 23, 2015
Risen Christ Parish
Tungawan, Zamboanga Sibugay
Magandang Umaga po sa inyong lahat.
Maayong buntag sa inyong tanan.
Buenas dias con todo con ustedes.
Wasalam Alaikum.
Pahintulutan po ninyo akong gamitin ko ngayon sa aking pagninilay ang wikang Filipino upang lubos na maunawaan ng bawat isa na naririto ngayon sa Banal na Misa ang mensahe na nais ipaabot ng Simbahang Katolika at ng mga Misyonerong Klaresyano, hinggil sa pagpaslang sa ating butihing alkalde, Randy Climaco: kayo man ay Kristiyano, Muslim o Lumad, sundalo o sibilyan, propesyonal o manggagawa, magsasaka o mangingisda, guro o mag-aaral, nasa panig ng pamahalaan o hindi, may kaya sa buhay o wala, lalake man o babae, bata o matanda.
Nais ko pong ialay ang pagninilay na ito sa Mahal na Birheng Maria ng Pilar, kung saan ang kanyang dakilang kapistahan noong Oktubre 12 ang sya ring araw ng pagkitil ng buhay ni Mayor Randy. Nais ko rin pong ialay ang pagninilay na ito kay San Antonio Maria Claret, ang nagpasimula ng aming Kongregasyon, dahil bukas ay atin pong ipagdiriwang ang ika-170 anibersaryo ng kanyang kamatayan. Hindi po lingid sa inyong kaalaman na si Mayor Randy Climaco ay nagtapos ng kanyang sekundaryang pag-aaral sa Claret School ng Zamboanga. Si Randy ay kabilang sa uring Klaresyano.
Minsan nabanggit ko noon dito sa isa sa aking mga homiliya, na ang Tungawan ay parang napakagandang dalaga. At dahil sa taglay nyang kagandahan, maraming nanunuyo sa kanya. May nanunuyo ng pormal at marangal, may nanunuyong pabulong at paramdam, may “panunuyong” dala ay dahas at kasakiman.
Nais kong ipaalala muli sa inyo kung gaano kaganda ang bayan na ito. Hindi matawaran ang likas na kayamanan ninyo: ang malalawak na palayan at taniman ng goma, ang masaganang ani ng dagat, ang mga yamang mineral ng lupa na hanggang ngayon marami ang nagkakainteres at pinag-aawayan, ang walang sawang pagsusumikap ng maliliit na negosyante na paunlarin ang bayan, ang pagsusumikap ng bawat guro na iahon sa kamangmangan ang mga kabataan, ang patuloy na magandang resulta ng “board exams” ng ating kolehiyo dito, ilan sa kanila ay iskolars ni Mayor Randy at ng mga paring Klaresyano, ang pagsusumikap ng ilang mga lider relihiyoso na bigyan ng makahulugang tulay ang pagkakaiba natin sa pananampalataya. Higit anuman, ang pinakamagandang yaman ng Tungawan ay ang bawat matuwid na Tungawenyo.
Sa kabila ng kagandahan ng Tungawan, may isang mukha itong ikinukubli. Masalimuot, madilim, marahas… dala ng mga taong makasarili, ganid, sakim sa kapangyarihan at pera at kayang ipagbili ang buong pagkatao sa ngalan ng makasariling interes.
Noong nalaman ko ang sinapit ni Randy, hindi lungkot at panghihinayang ang aking naramdaman, kundi galit. Galit sa sistema, galit sa pagkawalang pakialam at pananahimik ng marami, galit dahil bagamat malayo ako, kilala ko ang kaluluwa ng bayan na ito. Tama si Fr. Gilbert Quenano sa kanyang sinabi. Hindi si Randy ang nakakaawa, kundi ang bawat mamamayan ng Tungawan. Ginagahasa at pinagsasamantalahan kayo! Gumising at bumangon kayo… at nangyayari lang ito, dahil pinapayagan ninyo sa paraan ng pananahimik at pagsasawalang kibo, takot at pagpanig sa pwersa ng karimlan.
Gisingin muli natin ang ating alaala at imulat ang mga mata at diwa, sa kung paanong pamamaraan ginagahasa ang Tungawan.
Ilang taon ang nakakaraan ng mangyari ang matinding pagbaha sa Barangay ng Guilinan. Ipu-ipo ang sabi ng ilan. Pero ni isa walang may lakas loob na tuligsain ang ilegal na pagpuputol ng kahoy, maliban sa Simbahan. Minsan nilapitan ko ang isa sa mga nasa Sangguniang Bayan upang ipaabot sa kanilang kalupunan ang pinsalang maari pang idulot ng ilegal na gawain, subalit kanyang ipinagkibit balikat lamang. Nasaan na ang iyong sinumpaang pagaaruga sa bayan? Nasaan na ang mga turo at aral at prinsipyo na dating iyong ipinaglalaban? Ito ang panahon na kailangan kang tumayo at manindigan sa dating iyong sinumpaan? Bakit nabibingi at nabubulag ka at nagpapakain sa maling sistema? Gumising ka at muling manindigan.
Ilang taon ang nakakaraan, tinambangan ng dalawang armadong kalalakihan si Fr. Gilbert sa Payat papunta sa kanyang Misa. Ilang buwan makalipas noon, ng ako ang magmisa sa parehong lugar sa araw ng kanilang pista, putukan at barilan ang bumulaga sa amin ng drayber kong yumaong Dondon, mismong sa tabi ng kalsada, kung saan namatay ang isang CAFGU. Alam ninyong lahat ang pangyayaring ito.
Ilang taon ang nakakaraan, ilang kubo ang sinunog kasama ang may ari ng bahay sa Cayamcam. Nasilayan ko ang ilan sa mga larawan ng karumaldumal na krimen na to. Ilan sa mga biktima ay sunog, ilan ay pinugutan ng ulo at tinaga hanggang sa mamatay.
Ilang taon ang nakakaraan, kinitil din ang mga buhay nina Apolinario Montigo , Sr., 59, kasama si Pastor Danilo Palong-Palong, si Manong Eddie Quidato, 66, noong Hulyo 27, 2011, isang lider ng parokya na ito. Limang bala ng kalibre .45 sa ulo ang tumapos sa kanyang buhay, si Sgt. Dexter Deloso noong Abril 14, 2012 na tinambangan malapit sa crossing ng Barangay Datu Tumanggong. Ilan lamang ito sa mga krimen ng bayan, na pawang walang naging linaw sa hanay ng sistematikong imbestigasyon ng kapulisan, na hanggang sa oras na ito humihingi ng katarungan at inililibing natin sa limot.
Kung sa palagay ninyo nakakalimutan ko ang pagpaslang kay Atty. Lynlyn Luna, nagkakamali kayo. Tinuring ng marami na bagong pag-asa ng bayan, matuwid, matapat, matalino, pero inyong ring itinumba. Droga.
Hanggang kelan mananahimik ang Tungawan na ang isyu ng droga sa bayan na ito ay wala sa mga nadadampot ninyong “maliliit na isda” sa laot na ngayon ay nakakulong, kung hindi nasa mas malalaking pating sa dagat na syang nasa likod ng krimen. Hinahamon ko ang sinseridad ng kasalukuyang pamunuan ng bayan sa usapin tungkol sa droga at ilegal na armas. Maging huwaran kayo at panindigan ang inyong sinumpaan sa bayan at sa Diyos.
Kung ang bawat lider ng bayan na ito sa larangang sibil man o panrelihiyon ay matapat, matuwid at may takot sa Diyos, titibay ang Tungawan. Subalit kung ang bawat lider ay nabibili at naduduwag na harapin ang kanyang responsibilidad, lahat tayo at lulubog.
Ilan sa mga Kapitan ng mga Barangay ang tumanggap, tumatanggap at tatanggap pa ng padulas na pera mula sa mga tiwaling pulitiko na ang tanging kapital sa halalan ay pera at hindi matuwid na prinsipyo? Sa bawat kapitan ng mga barangay na naririto ngayon, magkano na ang iyong natanggap? Magkano ang iyong pangalan at dangal? Hindi rin lingid sa inyong kaalaman na ang bawat pagtanggap ninyo ay may kaakibat na paniningil, kahit minsan mismong inyong buhay ang kapalit.
Higit kaninuman, tinutuligsa ko ang mga Katoliko sa parokya na ito na nakikibahagi sa baluktot na sistema dahil sa makasariling ambisyon. Ano ang silbi ng iyong pagsisimba at pagkukumonyon, kung pagtalikod mo ng altar, mapagpanggap kang salot ng lipunan? Hindi ka man mahiya sa taumbayan, mahiya ka sa Diyos na iyong sinasampalatayanan. Ilan sa inyo na tatakbo ngayong halalan sa ibat ibang pwesto, ang maaaring tumitig ng tuwid sa mata ng Diyos, at maaari ninyong sabihing wagas ang aking hangarin, hindi makasarili at wala akong pinuprotektahang personal na interes sa bayan na ito? Palagay ko wala, ni isa man sa inyo.
Noong nagdaang halalan nung ako ay nakadestino pa rito, nabiro ko kayo sa isa sa aking misa na isa sa pinaka “masayang” gabi ng Tungawan ay ang gabi bago mag eleksyon. Hatinggabi. Walang tulugan. Halos lahat nasa kalsada. Nag-aabang. Nagbabakasakali. Baka meron? Kanino galing? Magkano? Itinawa ninyo ang biro ko na ito noon, pero sa araw na ito pinagbayad kayo ng bawal. Gumising kayo. Marunong maningil ang kapalaran sa panahong tanging sya lang ang nakakaalam.
Sa darating na halalan, tatanggap kayo ng pera mula sa mga kandidato. Isang araw ninyong lulustayin. Ilang henerasyon ninyong pagdudusahan? Maliit na halaga, kapalit ang mahimbing ninyong tulog, kapalit ng patas na oportunidad sa buhay, kapalit ang inyong kalikasan na unti unti na ring kinikitil.
Harinawa mali ang aking basa sa sitwasyon. Dahil kung mapupunta sa maling pamunuan ang bayan na ito, muling babangon ang mga dati nating kinakatakutan: ilegal na pangingisda, ilegal na kalakalan, malawakang bentahan ng droga, ilegal na pagabuso ng kagubatan at higit sa lahat, malawakang paghukay at pagtibag ng kabundukan dahil sa mina.
Nakakabit ang buhay pulitika ng bayan na ito sa mga ganid at oportunistang mga kapitalista. At kung hindi matalino ang bawat Tungawenyo, gigising sya isang araw na wala na sa kanya ang lupang dating kanyang sinasaka at inaalagaan.
Mayaman ang Tungawan. Tulog, hindi mapagmatyag at duwag ang mga mamamayan. Sakim ang mga may interes sa halalan.
Kung binabagabag ang inyong kalooban at konsensya sa mga isyu na aking inilahad, dahil bahagi kayo ng katiwalian ng bayan na ito, wala kayong karapatang malungkot at umiyak para sa pagyao ni Randy, dahil bahagi kayo ng sistema na pumatay sa kanya, gaano man kaliit ang inyong partisipasyon. May dugo sa iyong mga kamay.
Ayaw kong isa isahin ang mga nagawang mabubuting bagay at mga pangarap ni Randy para sa Tungawan, maging ang kanyang mga naging kakulangan. Kayo ang nakakaalam nito. Hindi ako pulitiko at walang kinikilingang partido ang Simbahan. Pari ako. Misyonero kami at bahagi ng aming sinumpaan sa Diyos at sa Simbahan na pumanig sa katotohanan, katuwiran at katarungan, kahit na maiwan kaming mag-isa sa laban na ito. Ang laban sa katotohanan at katarungan ay hindi nakukuha sa paramihan ng bilang ng tao, kung hindi sa malalim na pagninilay kung ito ba ay naaayon sa kalooban ng Diyos.
Maaring wala na nga sa atin si Mayor Randy Climaco, subalit hindi pa huli ang lahat para hanapin ng Tungawan ang landas ng kaayusan. Nagwawagi lang ang kasamaan kung patuloy na mananahimik ang mga taong may mabuting kalooban.
Sa bawat Tungawenyo na naririto ngayon, nakikiusap po ako na magkaisa kayo upang supilin ang lahat ng ilegal sa bayan na ito. Patuloy kayong pagsasamantalahan kung patuloy din kayong watak watak. Kung di man maaring magkaisa dahil sa pagkakaiba ng pananampalataya, nananawagan ako sa bawat Kristiyano na magkaisa kayo.
Higit kailanman, ito ang panahon na nangangailangan ang Tungawan ng isang lider na hindi personal na kapakanan ang uunahin kundi ang kinabukasan ng bayan, buhay man nya ang kapalit. Isang lider na hindi mabibili ng salapi, isang lider na handang magsakripisyo, isang lider na magtatanggol sa wastong interes ng karamihan lalong lalo na ang higit na mahihirap, isang lider na igagalang ng bawat Tungawenyo dahil kahit minsan hindi nabahiran ang kanyang pangalan sa usapin ng droga at armas, komisyon sa ilegal na pagputol ng troso at mina, komisyon sa ilegal na bentahan ng gasolina sa kalsada sa kalagitnaan ng gabi, at iba pa.
Hindi kasama sa libing ni Randy ang pag-asa ng Tungawan at hindi pa huli ang lahat. Nais kong banggitin ang dalawang sektor na sa aking personal na obserbasyon ay malapit sa kanyang puso: ang sektor ng kalusugan (Health Department) at ang sektor ng mga guro (DepEd).
Natatandaan ko sa ilang mga misa ko sa bundok ng Tungawan noon, na may mga “health workers” tayo na kusang naglalakad magisa sa mga delikadong lugar nitong bayan maabot lang ang mga pamayanan na nangangailangan ng gamot at tulong pangkalusugan. Natatandaan ko ang isang maliit na paaralan hindi kalayuan dito sa sentro, na buong tapang at tiyagang pinupuntahan ng mga guro para maihatid ang edukasyon sa mga bata, bagamat sa bawat pagdating ng kanilang kapiranggot na sahod, may mga elementong kakatok sa pintuan ng kanilang silid aralan upang hingian sila ng “kotong”. “Mam/Sir, kahit panigarilyo o pang pepsi lang.” Natatandaan ko ang sinabi sa akin ng isang guro sa paaralan na yaon, “Father, wala na nga kaming pambili ng chalk, kokotongan pa kami.”
Mabuhay kayong mga health workers at guro ng Tungawan. Nawa ang ginawang pagaruga sa inyo ni Randy ang magsilbing inspirasyon ninyo upang ituloy ang matapat na gawain, alang alang lalong lalo na sa ating kabataan.
Sa kanyang naiwang maybahay, si Rose. Batid ko po ang inyong pakiramdam sa mga oras na ito. Pagod, puyat, lungkot, galit, pagkalito, duda, pagkadismaya. Maaring wala na nga po si Randy at kailangan natin itong tanggapin gaano man kasakit bilang katunayan ng buhay. Subalit nais ko pong ipaalalang muli, wala sa haba ng gulang ng tao na inilagi nya sa mundo ang kahulugan ng kanyang buhay kung hindi sa kung paano nya ito ginanap. Naging ganap ang buhay ni Randy sa gulang na 46, at mananatili siyang buhay sa bawat Tungawenyo na naniwala sa kanyang mabubuting adhikain, sa bawat Tungawenyo na kahit sa gitna ng maraming hirap, ni minsan di nabahiran ng dungis ng anumang krimen at korupsyon meron ang bayan na ito. Rose, maglalakad ka sa Tungawan na nakataas ang noo, dahil asawa ka ni Randy Climaco.
Maaalala ng bawat kaibigan ni Mayor na sa tuwing mahaharap sa matitinding pagsubok ang kanyang administrasyon maging ang kanyang personal na seguridad, laging may pabuntot at pantapos na salita si Randy: “Merong Diyos; Naay Ginoo; Tiene Dios.” Palagi.
Sa huling bahagi nitong aking pagninilay, nais kong ihayag muli ng tahasan at walang pasubali ang ilan sa matagal ng ipinagsisigawan ng Simbahan:
• Huwag ninyong ibebenta ang inyong boto sa darating na halalan at huwag iboboto ang mga kandidato na mamimili ng inyong boto.
• Na ang bawat kapitan ng mga barangay sana ay manindigan at huwag tumanggap ng pera sa kahit sinong kandidato o partido kaugnay sa darating na halalan kapalit ang pagsuporta sa mga ito.
• Na ang mga kapulisan ay linisin ang kanilang hanay, maging huwaran at hindi mabahiran ng pulitika, ilegal na gawain at pagtupad sa sinumpaang tungkulin bilang tagapagtanggol ng katarungan at katotohanan; at mabigyan ng kasagutan ang maraming katanungan sa pagpaslang kay Mayor Randy Climaco, at sa iba pang naging biktima ng karahasan dito. Gumalaw kayo.
• Na ang mga nakaupo sa Sangguniang Bayan naway hindi mabahiran ng mabibigat na isyu ng bayan na ito, katulad ng ilegal na droga, pagmimina at pagtotroso.
• Na ang hanay ng ating magigiting na mga sundalo ay hindi lamang pag-unlad ang tingnan kundi una sa lahat ang kolektibong seguridad ng bayan at kanyang mamamayan. Batid kong maingat ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas lalo’t napipinto ang pagapruba sa BBL. Subalit nakakalungkot isipin na ang mga taong nakaupo sa mataas na usaping pangkapayapaan ng bansa, ay hindi ang mga taong naisasakripisyo ang buhay sa araw araw. Ang mahihirap na Kristiyano, Muslim at Lumad sa baba ng usapan, ang nagsisilbing “collateral damage” ng buong talakayan na tanging iilan ang nakikinabang.
Buong kapakumbabaan akong nakikiusap sa inyo ngayon bilang inyong pari at kapwa Pilipino, gisingin ninyo ang natutulog na bayani sa inyong puso. Magkaisa. Matutong magsakripisyo ngayon alang alang sa kinabukasan. Unahin ang kapakanan ng iba higit sa sarili. Gawin ang wasto at tama. Mahalin ang bayan. Matakot sa Diyos.
Malakas ang kutob ko na may tenga at mata ang mga salarin sa pagpaslang kay Mayor Randy sa misa na ito. Nakikiusap po ang Simbahan sa inyo ngayon, maawa kayo sa Tungawan. Ang pagkitil sa buhay ni Randy ay simbolo lamang ng mas malawakan pang pagkitil sa buhay ng buong bayan. Kung nais ninyong makuha ang Tungawan dahil sa kanyang likas na yaman at kagandahan, nawa’y daanin ito sa legal at wastong pamamaraan. Patas na laban. Malinis na halalan na isinasaalang alang ang naisin ng buong sambayanan. Maaaring naitumba ninyo si Randy. Subalit higit kailan, hindi ninyo naitumba ang mga Tungawenyo na may mabubuting kalooban at tapat pa rin sa Diyos. Babangon at babangon ang bayan na ito at mananaig ang kabutihan. Dahil kung susumahin ang lahat, hindi ang mga padrino ninyo sa pulitika, kapulisan at militar ang huhuhasga sa atin sa huling hibla ng ating hininga, kundi ang Diyos.
Minsan sa pagyao ng kanyang matalik na kaibigan na si Lazaro, tumangis si Hesus. Tanda ng kanyang pagmamahal sa kanya. Nakikiisa ang Simbahan ngayon sa pagtangis ng buong bayan ng Tungawan.
Subalit alam din natin na dahil sa kanyang pagmamahal, muling binuhay ni Hesus si Lazaro upang maibsan ang pagdadalamhati ni Maria at Marta na kanyang mga kapatid. Nakikiisa at patuloy na magiging inyong kasama ang Simbahan sa paglalakbay na ito, sa pagtutuligsa sa anumang hindi tama at hindi makatarungan, sa patuloy na paghahanap ng katotohanan, patuloy na magiging gabay ninyo bilang maliwanag na ilaw sa gitna ng karimlan. Sa usaping katotohanan, katarungan, kapayapaan at pagkakaisa, lagi ninyong kapanalig ang Simbahan at ang Diyos… sa lahat ng panahon.
Sa lahat ng Kristiyano, Muslim at Lumad na naririto, nawa’y huwag kayong panghinaan ng loob. Magkaisa. Labanan ang lahat ng katiwalian sa bayan na ito. Lumaban tayo sa paraang legal, patas, at ayun sa turong moral ng ating bawat pananampalataya… ayun sa Diyos, ayun kay Allah.
Muli, ang ating pakikiisa at pakikidalamhati sa naulilang maybahay ni Randy, si Rose, sa kanyang kapatid na si Ruth at sa buong pamilya ng Climaco. Katulad ng madalas sabihin ni Randy noon, “Merong Diyos, Naay Ginoo, Tiene Dios!”.