Ebanghelyo: Marcos 4:26-34
At sinabi niya: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.” At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit.”
Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay
“Ang Kaharian ng Diyos.” Maaaring narinig na natin ang mga ganitong pangungusap: “ang taong ito ay may mainit na kamay, lahat ng itinatanim ay nabubuhay”, o kaya “malamig ang kamay ko pagdating sa halaman.” Minsan narinig ko rin sa isang agriculturist na walang mainit o malamig na kamay, basta sumunod sa technique, at talagang mabubuhay ang halaman. Tingin ko na sana’y sumasang-ayon si Jesus sa kanya. May batas sa kalikasan pagdating sa pagsibol, pagpapalaki, at pagbibigay ng bunga ng isang halaman, basta tama ang ginawa ng magsasaka. Hindi gawa ng tao na ang halaman ay sisibol. Ito’y gawa ng kalikasan, basta sumunod sa tamang pag-aalaga. Ganyan din ang Kaharian ng Diyos. Hindi gawa ng misyonero ang pagpapalago nito, kundi gawa ng Diyos. Ang atin, ang tamang pag-aaruga, pagpapakita ng kalinga, marunong magpakita ng mainit na pagtanggap, ang puntahan ang naliligaw, o ang pagbibigay ng payo sa nalilito. Tulog man tayo o gising, sa gabi o araw, sadyang lalago sa ating piling ang Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025