Ebanghelyo: Marcos 4:21-25
At sinabi niya sa kanila: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!” At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na – ngunit ang wala ay aagawain pa ng anumang nasa kanya.”
Pagninilay
“Makinig ang may tainga!” May batang pipi noon sa oratoryo namin sa Pagbilao. Si Mark ang pangalan niya. Pero “Apaw” ang kanyang palayaw, dahil “apaw” ang salitang lagi niyang binibigkas noong bata pa siya. Natuto siyang magbasa ng labi at mabilis siyang umunawa sa mga sinasabi. Siya’y isang masunuring bata at hindi kailangang ulitin ang mga dapat gawin, o hindi dapat gawin sa Simbahan, o kapag naglalaro sila ng futsal. Hindi siya makapagsalita, at hindi rin siya makarinig, pero masunurin siya. Marami ring bata noon na may pandinig, pero sumusuway pa rin pa rin sa mga utos. Sa kanila maaaring makita ang kasabihan tungkol sa mga nagbibingibingihan. Sinabi ni Jesus: “Makinig ang may tainga!”, at “isip-isipin ninyo ang inyong naririnig”. May pandinig po tayo, pero madalas parang nagbibingi-bingihan pa rin. Bakit kaya ganoon ang tao? Ano kaya ang Salita ng Diyos na kailangan nating pagnilayan ngayon araw na ito? Inaanyayahan tayo ni Jesus na maging bukas-palad, mapagmahal, magpakita ng pasensya at habag. Kung ito ang ating ipapakita, ito rin ang ating tatanggapin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025