Ebanghelyo: Marcos 4:1-20
Muli siyang nagsimulang magturo sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing-dagat naman ang lahat. At marami siyang itinuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.”
At idinagdag ni Jesus: “Makinig ang may tainga!” Nang wala na ang mga tao, tinanong siya ng mga nakapalibot sa kanya, na kasama ng Labindalawa tungkol sa mga talinhaga: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Sa inyo ipinagkakaloob ang lihim ng kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa labas, ang lahat ay sumasapit gaya ng talinhaga. Kaya tumitingin sila pero di nakakakita; nakaririnig pero di nakauunawa kaya naman di sila nagbabalik-loob at di pinatatawad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo nauunawaan ang talinhagang ito, kayat paano ninyo mauunawaan ang iba pa? Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang Masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod. May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay
“Ang tao ay parang buto o binhi.” Sa kanyang pagtuturo, madalas gumagamit si Jesus ng mga talinhaga. Minsan madali lang makuha ang aral ng mga kwento, pero minsan ay hindi. Madalas, marami ang maaaring maging aral ng isang parabula, at minsan din ay nagkakaroon ng mga realisasyon ayon sa pinagdadaanan ng nakikinig. Ang tao ay parang buto o binhi na itinatanim kung saansaan. Nakadepende ang kalidad ng bunga sa lugar kung saan itinatanim ang buto. Kung ito’y itanim sa tabi ng daan, sa batuhan, o sa tinikan, malamang hindi magiging masagana ang aanihin o pipitasin sa takdang panahon. Kung itatanim ito sa matabang lupa, at aalagan ng tama: binubungkal, ginagamasan, dinidiligan, at nilalagyan ng abono; tiyak na magiging masagana ang aanihin. Ang mga pinakamahalagang bagay sa buhay ay ang mga bagay na pinaghihirapan natin: pinagplaplanuhan, pinagtitiyagaan, pinagpapawisan, pinagpuyatan. Sinabi ng soro sa Maliit na Prinsipe, na ang kanyang rosas ay napakahalaga dahil sa oras na inialay niya, sa mga panahon na sila’y nagkasama. Tiyak na magbubunga ng marami ang mga proyekto na inaalagaan natin at nakatanim sa matabang lupa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025