Ebanghelyo: Marcos 3:31-35
Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay
“Kapatid at ina ko ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos.” Bakit kaya sa mga salaysay ng mga ebanghelyo kung saan nagtatagpo sina Jesus at Maria, tila waring inilalayo ni Jesus ang kanyang sarili kay Maria bilang anak? Noong ginawa ang unang tanda, hindi siya sumagot: “Opo, Nay”, kundi “Ginang, ano ang kinalaman ng bagay na ito sa akin at sa iyo?” (Jn 2:4). Nang nasa krus na Siya, hindi niya tinawag na: “Ina!”, kundi “Ginang!” ang binigkas (Jn 19:26). Ngayon naman, hindi siya agad lumabas upang salubungin si Maria, kundi sinabi niya ang tungkol sa mga nakikinig sa kanya: “Narito ang aking ina…” Sa Tradisyon ng Simbahan, iginagalang natin si Maria bilang Ina ng Diyos. Ito ay isang pinakadakilang grasya na ipinagkaloob lamang kay Maria. Sa ating debosyon naman, lumalapit tayo kay Maria bilang mga anak na nangangailangan ng kanyang pagkalinga at pagmamahal. Sa mga ebanghelyo naman, binibigyang-diin ang tungkulin ni Maria bilang alagad ng Diyos at taong sumampalataya sa kanyang plano. Sinabi ni Jesus: “Kapatid at ina ko ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos”. Nawa’y maging huwaran natin si Maria bilang masunuring mga alagad na may malalim na pananampalataya sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025