Ebanghelyo: Marcos 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!”
Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?”
Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay
Maraming pagkakataon na nasaksihan ng mga alagad ang kapangyarihan ni Jesus sa mga himala tulad ng pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Nang naranasan nila ang malakas na hangin at alon, sila’y natakot at lubhang nag-alala. Nasambit pa nila na tila walang pakialam si Jesus sa kung anumang mangyari sa kanila. Ito rin minsan ang ating karanasan sa mga panahon na nasa mabigat tayong sitwasyon dahil sa mga suliranin na ating kinakaharap sa buhay. Minsan ay inaakala nating pinabayaan tayo at malayo sa atin ang Diyos. Sa katotohanan, ang Panginoon ay sumasaatin tuwina, subalit puno tayo ng pag-aalala at takot at nakatuon ang ating atensyon sa ating mga problema kung kaya’t hindi na natin napapansin kung paanong kumikilos ang Panginoon sa ating buhay. Tumawag tayo sa Kanya. Siya si Jesus, ang Emmanuel na sumasaatin tuwina.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023