Ebanghelyo: Marcos 4:21-25
At sinabi Niya sa kanila: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!”
At sinabi Niya sa kanila: “Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit ang wala ay aagawin pa ang anumang nasa Kanya.”
Pagninilay:
May kaakibat na pananagutan ang kung ano mang biyaya ang ipinagkaloob ng Diyos sa ating buhay. Mananagot tayo! Marapat na tayo’y tumugon sa kung ano ang inaasahan sa ating kakayahan. Subalit minsan ay nag-aalangan tayong umako ng responsibilidad at magbahagi ng kung ano ang maibibigay natin sa komunidad. “Huwag na lamang ako” o “Hindi ko kaya yan” o “Iba na lang.” Pakatandaan nating bawat isa ay pinagkalooban ng kakayahan, talento, angking-galing at biyaya na marapat lamang na palaguin at ibahagi para sa ikabubuti ng lahat at para sa kaluwalhatian ng Panginoon. Hindi ito para sa ating mga sarili. Mawawalang saysay ang isang ilaw kung nagliliwanag siya para sa kanyang sarili. Hayaan nating magningning ang ating mga ilaw para sa lahat!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021