Ebanghelyo: Marcos 3:31-35
Dumating naman ang Kanyang ina at ang Kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa Kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin Niya sa mga nakaupo sa paligid Niya ay Kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay
Ang pagkakakilanlan sa isang pamilya, organisasyon o isang relihiyosong kongregasyon ay karaniwang tumutukoy sa direksyon o kalagayan ng isang tao sa buhay at lipunan. Si Papa Francisco, sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, ay pinapayuhan tayong pangalagaan ang tahanan nating lahat – ang mundo. Lahat tayo ay nabibilang sa isang malaking pamilya – ang pamilya ng Diyos. Para kay Jesus, yaong mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay ang mga tunay na miyembro ng pamilya ng Diyos. Sa ngalan ng ating binyag, tayo ay naging mga anak ng Diyos. Ito ay isang pribilehiyo, na may kasamang responsibilidad. Nabubuhay ba tayo ayon sa ating mga pangako sa binyag?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020