Ebanghelyo: Marcos 3:22-30
May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati- hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
“Iginagalang ng Diyos ang kalayaan ng tao.” Noong huling hapunan, naging dasal ni Jesus ang pagkakaisa ng Simbahan at ng buong mundo: “Ama, maging isa nawa silang lahat.” (Jn 17,21). Kay ganda kapag may pagkakaunawaan at magandang pagsasamahan sa isang pamilya, grupo, komunidad, lipunan, at simbahan. Madali ang kumilos, parang magaan sa pakiramdam kapag tayo’y magkakasama, kay dali ang paggawa ng mga bagay kahit ito’y mahirap na gawain. Pero kapag may pagkakanyakanya, mga sariling agenda, o crab mentality, ang hirap kumilos. Ang naging motibasyon ay ang sarili lamang, ang sariling kapakanan, o ang pagtupad ng makasariling plano. Madaling mapagod at sumuko sa ganitong paraan, o kung anuman itinanim o nagawa, parang madaling mamatay o mawala.
Alam natin na laging hinihintay ng Diyos ang pagbabalik-loob ng tao. Ano kaya ang kasalanang hindi mapapatawad na binanggit ni Jesus? Dahil iginagalang ng Diyos ang kalayaan ng tao, baka ang kasalanang hindi mapapatawad ay kapag ang tao ay ayaw nang magsisi at magpatuloy sa kanyang paggawa ng kasalanan at paglayo sa Diyos. Ang Diyos ay nag-anyaya pero hindi mapilit, nasa pagpapasiya pa rin ng tao ang pagtanggap ng mga biyaya na galing sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025