Ebanghelyo: Marcos 4:26-34
At sinabi niya: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.”
At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit.”
Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay
Sa pamamagitan ng mga talinghaga, ipinahayag ni Jesus sa kanyang mga alagad kung ano ang Kaharian ng Diyos. Tulad ng isang binhi, ang Kaharian ng Diyos ay lumalago sa paraang naaayon sa kalooban Niya. Para sa mga naatasang maging manggagawa sa Kaharian ng Diyos, ang atas ay alagaan at linangin ito sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagiging saksi ng Ebanghelyo. Sa misyon ng Simbahan, mayroon tayong mga mabubuting hangarin subalit minsa’y iba ang nagiging bunga ng ating mga gawa. Huwag tayong panghinaan at mawalan ng pag-asa. Ang Panginoon ang nagkakaloob kung ano ang hinaharap ng simbahan. Kung kaya nga, ang ating mga pagsisikap sa pagpapayabong ng Kaharian ng Diyos ay marapat na lakipan ng panalangin at pagninilay upang ang ating mga gawa at hangarin ay nakaayon sa plano ng Panginoon. Ipagkatiwala natin sa Panginoon ang ating Kristiyanong pamumuhay upang ito ay maging mabunga at upang dumami pa ang magnilay sa biyaya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023