Ebanghelyo: Marcos 3:22-30
May dumating namang mga guro ng Batas galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid lahat ng ari-arian nito. “Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat—sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nila na may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
“United we stand, divided we fall.” Narinig ko ang kasabihang ito sa unang pagkakataon mula sa aking mga magulang, pagkatapos ay mula sa aking mga guro tuwing mayroon kaming gagawin ng sama-sama. Ang kawalan ng pagkakaisa ay naghihiwalay sa mga tao habang ang pagkakaisa ay nagpapatibay at nagbibigay-daan sa isang grupo na maabot ang kanilang layunin. Ang pagkakaisa ay dapat magsimula sa sarili – sa ating sarili. Kung tayo ay hindi buo bilang isang tao, hindi natin maisusulong ang pagkakaisa sa ating pamilya, komunidad, o lipunan. Kailangan din natin ang Banal na Espiritu upang maging buo. Ipinapangako ni Jesus ang Tagapagtanggol, ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama upang magturo sa atin ng lahat at ipaalala sa atin ang lahat ng aral ni Jesus (Juan 14:26). Kinukumpirma ito ng aking karanasan sa buhay. Ang aking debosyon sa Banal na Espiritu ay nagtulak sa aking pumasok sa buhay-relihiyosa, kung saan nakatagpo ako ng isang masaya at makabuluhang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020