Ebanghelyo: Lucas 1:1-4; 4:14-21
Marami na ang nagsikap na isalaysay ang mga nangyari sa piling natin, batay sa mga ipinaabot sa atin ng mga nakakita nito noong unang panahon na naging mga lingkod din ng Salita. Kaya minarapat ko ring isulat ang mga ito nang may kaayusan para sa iyo, matapos maingat na masuri ang lahat ng ito mula pa sa simula. Kaya kagalang-galang na Teofilo, ikaw mismo ang makaaalam na matatag ang mga bagay na iyong natutuhan. Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”
Pagninilay
“Bahagi tayo ng iisang katawan.” Binibigyang-diin ngayon ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa buhay ng bawat tao at ng komunidad. Sa unang pagbasa, binasa ni Esdras sa bayan ang natagpuan nilang Aklat ng Batas, at ito’y naging bagong simula sa kanilang buhay. Sila’y muling sumigla at nagbahaginan. Sinikap ng ebanghelistang Lucas na isulat ang mga nangyari nang may kaayusan. Para sa’yo, Teofilo.” Sino kaya si Teofilo? Isang namumuno ng bayan? Isang tanyag na tao? Ang pangalan “Teofilo”, na ibig sabihin ay “kaibigan ng Diyos”. Tayo ang mga kaibigan ng Diyos, kaya isinulat ang ebanghelyo para sa atin. Sa pakikinig, pagsunod, at pagpapahayag ng Salita ng Diyos, magiging bahagi tayo ng iisang katawan – ang Mistikong Katawan ni Kristo. Nang ako’y nag aaral ng teolohiya sa Loyola School of Theology, naging profesor namin si Bishop Chito Tagle. Isang hapon, habang nagtuturo, siya’y biglang tumingin sa amin at nagsabi: “kailangang ipahayag ninyo ang Salita ng Diyos…”; pangalawa niyang inulit, at may pangatlo pa. Sa klase namin ay may mga magiging mga diyakono pagkalipas ng ilang buwan. Pero ang kanyang bilin ay hindi lang para sa amin, kundi para sa lahat. Kung madalas mong binabasa ang Pangg Araw Araw o ang Pandesal o makinig sa ibang pagninilay, ibig sabihin ay nasa mabuting kang daan. Ituloy mo, kahit pa minsan parang kulang ang oras. Hanap-hanapin natin ang Salita ng Diyos. Abot-kamay na natin ngayon ang Salita, sa tulong na rin ng teknolohiya. Ito ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025