Ebanghelyo: Marcos 4:21-25
At sinabi niya sa kanila: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!”
At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit ang wala ay aagawain pa ng anumang nasa kanya.”
Pagninilay
Walang silbi ang ilaw kung ito ay nakatago. Hindi na rin kailangan ang ilaw kung tayo ay nasa liwanag. Sa rito ng Binyag, sinisindihan ng mga magulang, ninong at ninang ang kandila. Sa seremonyas ng Kumpil, may sinisindihang kandila ang mga kukumpilan. Ang kandilang may sindi ay kumakatawan sa ating pagtanggap kay Jesus bilang liwanag. Sa katapusan ng rito ng Binyag, hinihimok na panatilihing nag-aalab ang liwanag na ito. Ang bawat binyagan ay nagsisilbing liwanag ni Kristo sa mundo. Hinihimok tayong maging liwanag ni Kristo sa gitna ng dilim sa ating kapaligiran sanhi ng mga bagay at kaganapang nagdudulot ng kaguluhan at kawalang katarungan. Nananatili pa ring madilim ang paligid sa mundo ng suliranin at kahirapan, krisis, mga pagbabanta at pangaabuso sa sangkatauhan at kalikasan. Ibahagi natin ang liwanag ni Kristo sa pagiging makatarungan sa lahat upang ang katarungan ng Diyos ang maghari sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023