Ebanghelyo: Marcos 3:31-35
Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay:
Sa unang dinig ay tila isang insulto para sa ina ni Jesus ang tanungin niya kung sino ang kanyang ina. Ngunit sa halip na isang kahiya-hiyang pahayag ay isa pa ngang pagpupuri at pagpupugay sapagkat kinakatawan ni Maria ang mismong sinabi ni Jesus na kanyang ina at mga kapatid ang sinumang “sumusunod sa kalooban ng Diyos”. Hindi nga ba’t bukod kay Jesus, si Maria ang isang dakilang halimbawa ng taong sumusunod sa kalooban ng Diyos nang tumugon siya sa Anghel, “Oo, maganap nawa sa akin ang iyong kalooban.” Bagama’t hindi lubusang naiintindihan ni Maria ang lahat subalit siya’y nakinig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Tayo rin ay maituturing lamang at karapat-dapat tawaging kapatid ni Jesus, kung gaya ni Maria, tayo rin ay nakikinig at tumutupad sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021