Ebanghelyo: Marcos 16:15-18
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”
Pagninilay
“Ipahayag ang ebanghelyo.” Sa Kapistahan ng Pagbabagong- buhay ni San Pablo, pinagninilayan natin ang salaysay ng kanyang bokasyon. “Ikaw ang magiging saksi ng Diyos sa lahat ng tao”, ang sinabi ni Ananias sa kanya. Pinagsisihan ni Pablo ang dati niyang ginagawa. Siya’y nagpabinyag, at tinanggap ang tawag na maging apostol. Kung dati ay inuusig niya si Jesus ng Nazareth, ngayon ay kanyang pinaglilingkuran ng buong puso’t isipan. Ang misyong iniwan ni Jesus sa Labindalawa na ipahayag ang ebanghelyo sa buong mundo at magpatong ng kamay sa mga may sakit, ay siyang naging misyon din ni San Pablo. Bilang misyonero, inikot niya ang mga lungsod ng Imperyo ng Roma upang ipahayag ang Mabuting Balita at magtalaga ng mga komunidad. Pinagtibay niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga sulat, na ating itinuturing ngayong Salita ng Diyos. Inspirasyon natin ngayon ang kasigasigan ni San Pablo bilang misyonero. Tinatawag din tayo ng Diyos na humayo at magpahayag; nawa ay palakasin rin ang ating pagnanasa at pagnanis na maging saksi sa lahat ng tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2025