Ebanghelyo: Marcos 16:15-18
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”
Pagninilay
Isang matuwid na Hudyo si San Pablo. Naturuan siya ng mga batas at matibay ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Subalit hindi pa niya nakikilala si Jesus. Binantaan at inusig niya ang mga tagasunod ni Jesus. Nagpakilala si Jesus sa kanya sa daan patungong Damascus sa isang personal na pamamaraan nang marinig niya ang Kanyang tinig. Inatasan siyang maging saksi sa kanyang nakita at narinig. Dahil dito, siya’y naging tagapagpahayag tulad mga apostol ni Jesus. Sa paningin ng mga tagasunod ni Jesus, isang makasalanang tao si Pablo bago niya makilala si Jesus. Pero may plano ang Diyos sa bawat isa maging sa isang makasalanan. Hindi pumili si Jesus ng mga perpektong tao upang maging tagapagpahayag. Pinili niya ang mga karaniwan at makasalanan na naranasan ang kanyang pag-ibig at awa upang maging saksi ng Mabuting Balita ng pag-ibig at habag ng Diyos. Tayong mga binyagan na nakakakilala at tumanggap na kay Jesus ay inaatasan ding maging kanyang saksi sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya kaisa ng kanyang sangnilikha.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023