Ebanghelyo: Marcos 3:13-19
At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagninilay
“At binigyan sila ng misyon at kapangyarihan.” Sa kanyang ministeryo, pagtuturo at pagpapagaling ang laging ginagawa ni Jesus. Ipinahahayag niya ang Salita ng Diyos at pinagagaling ang mga maysakit o inaalihan ng mga demonyo. Sinabi rin na handa na ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Pumili si Jesus ng mga tutulong sa kanyang misyon ng pagtuturo at pagpapagaling. Pinili niya ang Labindalawa at binigyan sila ng misyon at kapangyarihan. Ano ba itong kapangyarihang ibinigay sa mga apostol? Kapag nagbibigay si Jesus ng tungkulin o misyon, nagbibigay din Siya ng lakas at kakayahan, ito’y kapangyarihan upang tuparin ang kanyang minimithi. Bawat isa sa atin ay pinili rin ni Jesus, at naipadala upang magturo at makatulong sa kapwa. Tinatanggap din natin ang lakas upang tuparin ang misyon inilaan sa atin. Napakalawak ng bukirin at napakarami ng aanihin, ngunit kulang na kulang ang mga manggagawa. Alagaan natin ang kapangyarihang ating tinanggap at masiglang tumulong sa mga nangangailangan ng ating oras, talento, at materyal na bagay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025