Ebanghelyo: Marcos 3:31-35
Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labasang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?”
At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay
Sa pananaw ng tao, ang relasyon ng tao bilang magkapamilya o magkamaganak ay nakabatay sa pagiging kadugo. Para kay Jesus, ang pamilya ay di lamang nakabatay sa pagiging magkadugo ngunit sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. Bilang mga binyagan, kabilang na tayo sa pamilya ni Jesus bilang mga inangking anak ng Diyos. Magiging lubos ang pagiging bahagi ng pamilyang ito kung pagsusumikapan nating tupdin ang mga aral at halimbawa ni Jesus, dahil sa pamamagitan nya natatanto natin ang dapat gawin ng mga anak ng Diyos. Hamon din nito na tingnan ang ating relasyon sa ating kapuwa. Kung tayo’y naniniwala na mga anak nga tayo ng Diyos, marapat lang na maging kapatid tayo sa iba sa pamamagitan ng ating pagkalinga, paglilingkod at pagkikipagkapuwa tulad ng ipinakita ni Jesus lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023