Ebanghelyo: Marcos 3:22-30
May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.”
Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati- hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito.
Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Ang layunin ng pagparito ni Jesus sa sanlibutan ay upang tipunin ang bayan ng Diyos upang magkaisa bilang Kanyang mga inangking anak. Sa sakramento ng binyag, tayo ay nakaisa ni Jesus at tumanggap ng iisang Espiritu Santo. Sa Sakramento ng Kumpil, higit na pinatatatag ng Espiritu na tayo’y maging lubos na saksi ng Panginoon sa ating buhay pananampalataya. Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay ang di pagtanggap sa katotohanan sapagkat ang Espiritu ang katotohanan (1 Jn. 5:6). Dahil sa pagtangging ito, nalalayo ang tao mula sa kapakumbabaan at pagsisisi. Kung walang pagsisisi, hindi rin makakamtan ang kapatawaran. Ganito ang mga pariseo at mga guro ng batas na hindi tumatanggap sa katotohanan at mga aral ni Jesus. At dahil dito’y may dibisyon ang sangkatauhan. Sa panahon ngayon, meron pa ring mga pagkakahati-hati ang mga tao maging sa ating mga nananalig kay Kristo dahil sa katigasan ng ating mga puso na nais panatilihin ang pansariling paniniwala na umaayon sa ating pansariling kagustuhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023