Ebanghelyo: Marcos 3:7-12
Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
Dahil sa mataas na antas ng pamumuhay sa mundo ngayon, ang mga tao ay naglalaan ng mas maraming oras para sa trabaho, upang kumita ng higit pa. Ang bawat tao’y nararapat na mamuhay ng isang disente at marangal na pamumuhay. Gayunpaman, ang paghahangad upang magkaroon ng higit pa ay maaaring maging lubhang mapanganib sa kalusugan at relasyon sa pamilya. Maaari nitong ilayo tayo mula sa pinakamahalaga sa buhay – ang buhay na walang hanggan. Ang pagnanais ng mga tao sa ebanghelyo ngayon ay hindi para sa mas maraming pera kundi para kay Jesus, na kinilala nila bilang Anak ng Diyos. Sila ay nakatuon kay Jesus kaya sumusunod sila kahit saan siya magpunta. Ito ay isang paanyaya para tanungin natin ang ating sarili – ano/sino ang layunin ng ating buhay? Bakit tayo sumusunod kay Jesus?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020