Ebanghelyo: Mateo 4:12-23
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pa- kinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagongbuhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
Pagninilay
Si Jesus ang katuparan ng propesiya ni Isaias na siyang liwanag na tatanglaw sa gitna ng kadiliman at magdadala ng ligaya sa mga nahahapis at kalayaan sa mga bihag. Ipinahayag ito ng ebanghelyo sa ministeryo ni Jesus, sa kanyang pangaral sa pagtitika at sa kaharian ng Diyos, sa kanyang pagtuturo sa sinagoga at pagpapagaling ng maysakit. Nagsimula ang ministeryo ni Jesus sa Galilea, ang lupain ng mga Hentil. Nagpapakita na ang kaharian ng Diyos ay hindi lamang para sa mga Hudyo ngunit para sa lahat. Kung kaya’t pinaalalahanan ni San Pablo ang mga taga Corinto na iwasan ang pagkakawatak-watak sapagkat ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay para sa lahat.
Tulad ng mga alagad na sina Pedro, Andres, Santiago at Juan na tinawag ni Jesus na maging mamamalakaya ng mga tao, tinawag din tayo na makibahagi sa misyon ng pagpapahayag ng Kaharian ng Diyos. Bilang mga binyagan at kinumpilan, may tungkulin tayong magpatotoo kay Jesus dito sa lupa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang halimbawa. Nawa, ang ating presensiya sa mundo ay maging instrumento ng pagkakaisa ng bayan ng Diyos at hindi maging sanhi ng pagkakawatak-watak. Ang ating buhay Kristiyano ay patuloy nawa sa pakikibahagi sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagtataguyod sa katarungan na siyang magpapalaya sa mga kapatid nating nakapiit sa mabigat na kalagayan at mga biktima ng inhustisya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023