Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik. Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
Alin ang mas mahalaga: ang kapakanan ng isang tao o pagsunod sa mga batas na ginawa ng tao? Ano ang layunin ng mga batas? Sinasabi ng Canon 1752, “Ang kataas-taasang batas ng Simbahan ay ang kaligtasan ng mga kaluluwa.” Ngunit maraming tao ngayon ang nagtatago sa mga batas ng tao upang bigyang-katuwiran ang kanilang mga sekular na halaga. Inaprubahan ng ilang mga mambabatas ang mga batas na salungat sa batas ng Diyos, halimbawa, mga batas na nagpapahintulot sa diborsyo, aborsiyon, at euthanasia. Inaangkin nila na pinanatili ng mga batas na ito ang sangkatauhan mula sa sobrang populasyon at krisis sa ekonomiya. Nakakaligtaan nila na ang buhay ay isang banal na kaloob o biyaya, na ang Diyos lamang ang may karapatang magbigay at magalis. Itinataguyod ng mga tunay na batas ang kagalingan ng mga tao, hindi abusuhin ang mga ito. Ipinapakita ni Jesus ang kahulugan ng Sabbath sa pamamagitan ng pagpapanumbalik sa kalusugan ng isang tao na may paralisadong kamay. Ang Sabbath ay ginawa upang magligtas at paunlarin ang buhay, hindi para sirain o kitilin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020