Ebanghelyo: Marcos 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom – siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
“Ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.” Kaugalian ng mga Judio noon na magpahinga tuwing araw ng Sabado, na tinatawag ding Araw ng Pahinga. Maraming bawal sa araw na ito, katulad ng pag-aani. Itinuturo nila na galing sa Diyos ang mga kaugalian nila, kahit gawa lang ito ng kanilang mga ninuno. Sa kanilang kultura, hinuhusgahan at itinuturing na masama ang hindi sumusunod sa kanilang mga kaugalian. Alam natin na sa lipunan, hindi dahil naging kaugalian ng nakararami ay ibig sabihin na tama ang iyong ginagawa. Sa mga kultura ng mundo ngayon, natatanim ang paghuhusga ng tao, ang pagsasalita ng masama, ang paninirang-puri, ang rasismo, ang korapsyon, ang pananatiling tahimik sa harap ng pangaabuso, at marami pang maling nakaugalian. Paano tayo magiging matatag upang hindi madala sa nakasanayan ng nakararami, lalo na kung ito’y mali? Sa kasaysayan, kahit sa Simbahang Katolika ay umunlad ang mga kultura na hindi kanais-nais. Pagnilayan natin ang mga kaugalian natin na dapat at maaari pang baguhin, upang pag-isahin ang lahat kay Jesus. Sa bawat araw na ginawa para sa atin, matatagpuan ang pagkakataon na ilagay si Kristo bilang Panginoon at Puso sa lahat ng bagay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025