Ebanghelyo: Marcos 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang Kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan Siya at nagugutom – Siya at ang Kanyang mga kasama? Pumasok Siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa Niya pati na ang Kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Ang isa sa mga mahahalagang katangian ng Judaismo ay ang estriktong pagsunod sa araw ng Sabbath. Para sa mga Judio, walang dapat gawin sa araw na iyon maliban sa pagbabasa ng kanilang sariling Bibliya. Ang motibasyon para sa pagsunod ng Sabbath ay pasalamatan ang Diyos para sa (1) kaloob ng paglikha (Exodo 20:8-11) at (2) biyaya ng pagpapalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto (Deuteronomio 5:12-15). Itinuro ni Jesus na ang pagpapanatili ng buhay ay isang kongkretong paraan ng pagpapasalamat sa Diyos para sa mga kaloob ng paglikha at pagpapalaya. Para sa mga Katoliko, ang Linggo ang ating araw ng Sabbath; kung saan pinasasalamatan natin ang Diyos sa isang espesyal na paraan para sa kaloob na paglikha at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Ang pagsunod sa araw ng pamamahinga ay nangangahulugan upang palakasin din ang ating buhay pamilya. Magandang gawi para sa mga pamilya na dumalo sa Banal na Misa ng samasama tuwing Linggo at gugulin ang araw na magkasama sa paglilibang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020