Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin Siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
At sinabi naman Niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka Niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik.
Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit Niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
Puwede naman sigurong ipagpabukas na lang ang pagpapagaling sa lalaking hindi maigalaw ang kamay. Hindi naman siguro siya mamamatay, hindi naman ganun kalalá ang kanyang sakit. Ito marahil ang iniisip ng mga taong gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Bakit kinakailangang lumabag sa batas ng Araw ng Pahinga? Ngunit walang pinipiling araw ang paggawa ng kabutihan. Walang pinipiling sandali ang paghahangad ng kaayusan at kagalingan ng kapuwa. Hindi kailangang patagalin pa ang pagtitiis at paghihirap ng kapuwang nangangailangan kung agad naman itong matutugunan at matutulungan. Paanyaya ng Araw ng Pahinga ang magtaguyod at bigyang halaga ang kabutihan at ang buhay. Ito rin ba ang larawan ng ating Araw ng Pahinga?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021