Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
Minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Ang isang tao na hindi bukas sa mga bagong ideya ay tulad ng isang ibon na hindi magkalakas-loob na lumipad. Kasama sa buhay ang pagsuong sa mga panganib upang mapalago at malinang ang mga potensyal ng isang tao. Ang pakikinig sa mga ideya ng ibang tao ay mahalaga upang mapalawak ang ating mga pananaw sa buhay. Ito ay nangangailangan ng pagiging bukas sa mga bagong kaalaman, mga bagong posibilidad, mga bagong pananaw. Ang pagpipilit ng aking sariling mga kaalaman sa iba ay maaaring magdulot sa pagkasira ng mga relasyon at ugnayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020