Ebanghelyo: Marcos 3:7-12
Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.
Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
Maraming mga tao ang naghahanap kay Jesus sapagkat nananalig sila sa kanya; sa kanyang mga aral at kanyang pagpapagaling sa mga maysakit. Nagsisilapitan sila kay Jesus kung kaya’t kinailangan ni Jesus na sumakay sa bangka upang hindi maipit ng mga tao. Malaki ang kanilang pananalig na maging ang mga maysakit at inaalihan ng masamang espiritu ay dinala sa kaniya upang pagalingin. Sa panahon ngayon, hinahanap pa kaya ng tao ang Diyos? Ilang bahagi na lamang ng populasyon ng Katoliko ang nag-uukol ng panahon upang magsimba sa araw ng Linggo at ibang mahalagang kapiyestahan sa Simbahan? Ilan na lang kaya ang tumatawag sa pari upang mabigyan ng Sakramento ng Pagpapahid ng Langis ang mga maysakit? Nawa’y huwag tayong tumigil sa paghahanap kay Jesus. Nasa kanya ang mga wikang nagpapagaling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023