Ebanghelyo: Marcos 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang Kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon.
At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan Siya at nagugutom – Siya at ang Kanyang mga kasama? Pumasok Siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa Niya pati na ang Kanyang mga kasama.”
At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Malamang na kung pagod at gutom ang inabot natin sa napakahabang paglalakbay, pipitas din tayo ng kung ano mang butil o bunga upang maibsan ang ating pagkagutom. Wala sanang masama kung hindi Araw ng Pahinga. Ikinagalit ito ng mga Pariseo sapagkat ginawa ito sa Araw ng Pahinga, isang institusyon para sa kanila na kailangang sundin anuman ang mangyari. Subalit para kay Jesus, ang Araw ng Pahinga ay ginawa ng Diyos upang ipagdiwang ang buhay. Ano mang batas na sumasakal at umaalipin sa tao at hindi nagtataguyod ng kanyang kapakanan, ay hindi maka-buhay. Kung hindi ito nagbibigay buhay, malayo ito sa kalooban ng Diyos. Mas pinili ng mga Pariseo ang itaguyod ang batas kaysa sa dapat itinataguyod ng batas, ang tao. Tanging batas ng pag-ibig at habag ang higit na mahalaga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021