Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ako ang tinatanggap ng sinumang tumatanggap sa batang ito sa aking pangalan. “Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
Pagninilay
Bakit ang isang bata ay ang tinuturing na pinakadakila sa kaharian ng langit? Si Jesus mismo ang nagbibigay ng sagot—kapakumbabaan. Ang bata ay mapagpakumbaba dahil tinatanggap niya na kailangan niya ang tulong ng iba para sa paglago. Ang pinakadakilang anyo ng kababaang-loob ay ang kilalanin natin na kailangan natin ang Diyos, na kapag walang Diyos, wala rin tayo. Itinuturing ni Jesus ang kanyang sarili bilang isang bata—na kapag tinaggap natin ito, tinatanggap din natin mismo si Jesus. Ang mga bata ay may karangalan katulad ng mga matatanda. Ang kahalagahan ng mga bata ay nakatampok sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Niño. Sinabi ni Santa Teresa ng Calcutta na ang pinakadakilang krimen sa ating panahon ay abortion o pagpapalaglag. Ang mga bata ay dapat mahalin mula sa sinapupunan hanggang sa libingan. Ano ang kinabukasan ng mundo kung ngayon pa lang ay hindi na natin pinapahalagahan ang mga bata, o pinakamasama pa, pinapatay sila sa sinapupunan?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020