Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
“Pagalingin ang mga may sakit.” Ang mga kababayan ni Jesus ay nasanay na makita na ang mga Pariseo na nag-aayuno at ang pakikihalubilo sa mga taong maka-sinagoga, maka-templo, o may mataas na posisyon sa lipunan. Pero ang mga alagad ni Jesus ay hindi nag-aayuno at ang kanilang guro ay nakikihalubilo sa mga makasalanan at maniningil ng buwis. Tunay na guro kaya siya? Ito ang umiikot sa kanilang isip. Isang malaking hamon sa ating nais lumago sa kawanggawa sa kapwa, ang hindi maging biktima ng mga “inaasahang makita”, “mga nakikinig na hindi maganda”, “mga nakita na hindi naiiintindihan”. Natatanim sa atin ang mga “prejudices” o mga pagkiling, na nagpapabagal sa ating paggawa ng kabutihan. Minsan, tayo pa ang dahilan para ito’y kumalat. Sa bagong sisidlan dapat ang bagong alak, ang turo ni Jesus. Paano kaya kung matuto tayong suriin ang lahat at angkinin ang mabuti? Pumarito si Jesus para pagalingin ang mga may sakit; may puwang sa Magaling na Doktor ang bawat nanalig sa Kanya. Panginoon Jesus, pagalingin mo ako!
© Copyright Pang Araw-araw 2025