Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Muling pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Ang pagbubukod sa mga tao bilang mabuti o masama, banal o di-banal ay nagpapakita ng mapanghatol nating pag-uugali. Ang pag-uugaling ito ay itinama ni Jesus nang siya ay iugnay sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Si Jesus mismo ay hindi hinahatulan ang mga makasalanan. Inihalintulad ni Jesus ang mga makasalanan sa isang taong may sakit na kailangan ng isang doktor. Inaanyayahan pa nga niya silang maging Kanyang mga alagad. Ito ay hindi naaayon sa pamantayan ng mga Pariseo, kaya tinanong nila si Jesus kung bakit siya kumakain at umiinom kasama nila. Dahil may kaalaman sa batas, itinuturing ng mga Pariseo ang kanilang sarili na sila lamang ang natatanging may awtoridad na magbigay kahulugan sa batas. Ngunit ang kapangyarihan o awtoridad ni Jesus ay nagmumula sa Diyos. Ang mga paraan ng Diyos ay hindi ang ating mga paraan. Nahihirapan tayong sumunod sa mga paraan ng Diyos dahil sa diskriminasyon at mga makasariling pagtatangi o pagkiling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020