Ebanghelyo: Marcos 2:1–12
Pagkaraan ng ilang araw, pumasok siya sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”
Pagninilay
Habang lumalaki, madalas sabihin ni mama sa amin na “Hindi maaaring itago ang anumang bagay mula sa Diyos.” Ito ang paraan ng pagtuturo sa amin ng katapatan. Tinatanong ng mga guro ng batas sa ebanghelyo ang kanilang sarili tungkol sa kakayahan ni Jesus na magpatawad ng mga kasalanan. Ngunit “batid ni Jesus kung ano ang kanilang iniisip.” Higit ako ngayong nagtitiwala kay Jesus sapagkat batid niya ang aking mga pangangailangan, kung ano ang pinakamainam para sa akin at ano ang hindi. Ang mga guro ng batas ay makasarili, alam nila ang batas ngunit sila hindi nila alam ang isip ng Diyos. Sinusunod nila ang mga pamantayan ng tao, hindi ang banal na batas ng pagpapatawad at pag-ibig. Mas pinagkakatiwalaan nila ang kanilang kaalaman sa batas, kaya hindi nila kinikilala ang Anak ng Tao na may banal na awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan. Ganoon din ba ako, gaya ng mga guro ng batas?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020