Ebanghelyo: Marcos 1:40-45
Lumapit kay Jesus ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay
Kailan ka huling nahabag sa nakita mong paghihirap ng isang tao? Paano mo ipinahayag ang iyong pagmamalasakit sa kaawa-awang taong nagdurusa? Ang kawalang-pakikialam sa paghihirap ng kapwa ay naghihiwalay sa atin sa kanila habang inuugnay naman tayo ng habag sa kapwa. Dahil sa habag iniunat ni Jesus ang kanyang kamay upang hawakan ang ketongin. Sa panahong iyon, isang kampanilya ang nakatali sa mga bukung-bukong ng mga ketongin upang maipahiwatig ang kanilang pagdating, nang sila’y maiwasan ng mga tao. Ang ketong ay nakakahawang sakit at wala pang lunas noon. Ang mga ketongin ay tila mga buhay na patay, sila ay kinalilimutan ng lipunan. Ang ginawang paghipo ni Jesus sa ketongin ay isang hamon sa atin upang tanungin ang ating sarili ng ating mga pinapahalagahan: ang ating pansariling kaayusan muna o yaong mga nagdurusa? Kung inaangkin natin na alagad tayo ni Jesus, ito ang pagkakataon upang tayo’y maging saksi, na tayo ay tunay na disipulo ni Jesus sa salita at gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020