Ebanghelyo: Marcos 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
“Iniwan ng lagnat ang babae.” Nang hinawakan ni Jesus ang biyenan ni Pedro sa kamay at ibinangon, “iniwan ng lagnat ang babae”. Hindi sinulat ni Marcos Ebanghelista na “gumaling sa” o “nawala ang lagnat”, kundi
“iniwan”. Parang masamang espiritu rin ang sakit sa katawan na tumatakas kapag nasa presensya ng Panginoon. Mahalaga sa ministeryo ni Jesus ang pagpapagaling sa mga may sakit at sa mga inaalihan ng mga demonyo. Lahat ng uri ng sakit, maging sa katawan o kaluluwa, ay hindi nanggaling sa Diyos, kaya’t ito ay itinuturing na galing sa masama. Minsan pumayag ang Diyos na magkaroon ng mga ito, para subukan ang pananampalataya ng tao. Maraming nagbibigay saksi na kung kailan sila nagkasakit, at saka sila nagsimulang lumapit sa Diyos. Nang gumaling ang biyenan ni Pedro, siya mismo “ang naglingkod sa kanila.” Bunga ng kagalingan na mula kay Jesus ay ang paglilingkod sa kapwa. Pagnilayan natin ang mga panahon kung kailan naranasan natin ang mapagmahal na kamay ni Kristong nagbabasbas sa atin. Nawa, ang kagalakang naramdaman natin noon ay maging paglilingkod sa kapwa ngayon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025